Ispiritwal na gawain ang paghuhugas ng pinggan

Siyam na buwan na akong tagahugas ng pinggan. Masaya ako sa gawaing ito. Hindi ako nagrereklamo. Hindi. Paminsan-minsan, naiinis, oo. Gaya kanina. Ano ba namang idiretso na sa basurahang dalawa o tatlong hakbang lang mula sa lababo ang mga discarded na hiniwang sibuyas. Paano na lang kung lang walang grinder yung lababo? E di nagbara? Dahil lang sa hindi mo malaman kung katangahan ba o katamaran. Pero hindi ako nagrereklamo. Hindi. Masaya ako sa gawaing ito. Dahil habang sinasabon ko ang mga tasa, baso, platito, plato, kutsara, tinidor, sandok, at rice cooker, minsan kaldero, hindi ako nag-iisip. Malaya akong nakapag-iisip ng ibang bagay na hindi ko naiisip sa tuwing ako ay nag-iisip. Sa paghuhugas ng pinggan, hindi ako nag-iisip habang nag-iisip. Pinagbubuklod ng gawaing ito ang ako at si Ako. Saka ko maririnig ang huni ng hummingbird sa labas.