Moral degradation

Hindi ako nabo-bore. Palibhasa kasi redundant pag sinabi kong bored ako, dahil ako mismo si Boring.

Isa akong nomad. Pwede ring NPA = no permanent address. O, gypsy. Sinabihan pa ako dating ermitanyo raw ako.

Nanghihinayang sila sa akin. Pati tuloy ako, unti-unting nahahawa na rin. Sinubukan ko naman ang pagbabago, at least, ngayong taong ito. Pero ako lang ang nakakaalam na may pagbabago ngang nagaganap. Sa kanila, wala pa ring nangyayari sa akin. Dahil hanggat hindi nila nakikita ang tanging bagay na alam nila, hanggat hindi nila nakikita ang sarili nila sa akin, hanggat hindi nila ako nagiging katulad, kamukha, kagaya... walang nangyayari sa akin. Wala akong buhay. Patapon. Nakakapanghinayang.

At dahil mukhang ganon nga siguro ang tingin nila, imposibleng maunawaan nila na may pagbabago nga talaga kung ako lang ang tatanungin.

Bakit ba kasi malapot ang dugo? Kahit anong pilit ang gawin, pag pamilya na ang nakialam, wala kang magawa. Titibok at titibok ang puso mo kahit tabunan mo pa ng sako-sakong abo.

Pero mas masakit, satili mong dugo't laman hindi ka maintindihan.

Para-parang isinuko ka na bago ka pa pakinggan. Pinanghinayangan ka na bago ka pa pinakialaman.

Nakikita ka pero hindi talaga.
Naririnig ka pero hindi talaga.
Pinapansin ka pero hindi talaga.

Ano yun.


Mahal ka ba talaga nila?